Minsan sa isang taon ginugunita natin ang mga mahal natin sa buhay na namayapa na. At inilaan ang panahon ng undas para madalaw natin ang mga ito sa kanilang himlayan.
Ang unang araw ng Nobyembre ang araw na nakaugalian na nating mga Pinoy para sabay-sabay sugurin ang sementeryo. Sa araw ring ito tayo nakikiipagsiksikan sa napakaraming tao para mag-hello sa mga minamahal natin na mapayapa nang nakahiga sa nitso o di naman kaya ay nakasako na ang mga buto. At doon ipinagtitirik natin sila ng kandila na napakabilis matunaw at inaalayan ng bulaklak na parang langis dahil sa pabigla-biglang pagtataas ng presyo.
Malayo ka pa sa sementeryo ay sisimulan mo nang mag alay-lakad dahil sa pagsasara ng mga kalsada sa mga sasakyan. Hindi uso dito ang mga kutis Belo dahil kung ang puntod na dadalawin mo ay nasa dulo pa ng sementeryo ay tiyak mangingitim ka. Sa iyong paglalakad ay makakasalubong mo na ang mga tindero at tindera ng samu't saring tinda na aakalain mong may product bazaar sa kalsada.
Nariyan ang mga tindero ng tsitsirya na maaari mong baunin habang nagsa-sun bathing sa nitso. May mga nagtitinda rin ng mga laruan na patok na patok sa bitbit mong mga bata para hindi agad mag ayang umuwi pag nabagot na. Namamayani rin ang amoy ng kalamares na imported pala mula China. Pero nakikipaglaban sa amoy ang adobong mani na pwede mong mabili ng maanghang, may balat o wala. At kung matuyo ang lalamunan mo dahil sa walang tigil na paglalakad ay pakalat kalat ang mga nagtitinda ng palamig, gulaman, sago, softdrinks at kung anu-ano pang makakatanggal-uhaw. Siyempre hindi mawawala ang mga kandila at bulaklak na malamang tagain ka sa mahal ng presyo, pero mapipilitan ka na ring bumili kasi may iba't iba silang promo.
Tiyak naman ang siksikan pagdating mo sa entrada ng sementeryo dahil sa mahigpit na pagsisiyasat ng mga gamit mo. Swerte ka na kung makapagpuslit ka ng grandma (Grand Matador) at empi (Emperaod) at maituloy ang hapi hapi sa sementeryo. Bawal din ang baraha kaya hanggang lamay lang ang tong-its at lucky 9. At tiyak gagamit ka ng ngipin kung gusto mong balatan ang baon mong mangga at durian dahil bawal ang mga matatalim na bagay tulad ng kutsilyo, itak at tinidor.
Huwag ka nang magugulat kung may bigla na lang mahihimatay sa gitna ng pila. Dahil sa init ng panahon at pinagsama-samang amoy ng nagsisiksikang tao, ewan ko lang kung sino ang hindi mahimatay.
Sa loob ng sementeryo ay malalaman mo ang estado ng buhay ng isang tao dahil sa kaniyang himlayan. Mayroong mga malalaking mausoleo na may generator pa at sound system. Mayroon ding mga itinayong bantayog para sa mga kilalang tao. Patok din ang mga puntod na may second floor, receiving area at guest rooms para sa bibisita. Ang ilan naman ay kuntento na sa kahit bubungan lang at rehas para may kaunting privacy. At kung talagang hirap sa buhay ay sa apartment type na nitso na lang na parang aparador at lulutang ang kabaong dahil sa baha.
Iba-iba naman ang gimik ng mga pamilya para hindi mabato sa sementeryo. May mga ginagawang piknik ang pagdalaw at naglalatag pa ng kumot para doon salu-salong kumain at nagbubukas ng malalaking payong para hindi mainitan. Mayroon din na doon na nagdiwang ng kaarawan at childrens party na may lobo, spaghetti at clown. Ang iba naman ay ginamit ang panahong iyon para magkita-kita ang mga miyembro ng pamilya na buhay pa. Samantala meron naman na taimtim na nagdarasal para sa ikakapayapa ng kaluluwa ng kanilang kaanak.
May ilan naman na gingamit ang panahong ito para mag-sideline. May mga nagpapanggap na pari na libreng mag-aalay ng dasal pero pagkatapos ay hihingan ka ng donasyon. Mayroon din na biglang lalapit sa iyo para hingin ang latang pinag-inuman mo ng softdrinks at kung medyo makapal ang mukha ay pati ang kinakain mo ay hihingin.
Pero ang pinakapatok na business sa lahat ay ang pagala-galang mga bata na may dala-dalang kutsara at plastik bag para lalagyan ng mga tunaw na kandila para maibenta. At kung garapalan lang ang paguusapan, kung wala nang dalaw ang puntod kahit matayog pang nakasindi ang kandila hindi ito sasantihun ng mga batang ito dahil sa timbangan din ang diretso nito.
Buti na lang at may ganitong panahon sa lipunang Pinoy na nagagawa nating alalahanin at dalawin ang ating mga mahal a buhay kahit minsan lang sa isang taon. Ngunit sana naman, hindi lang sa araw na ito natin sila inaalala.
Ano bang gusto mo, ang dalawin mo sila o ikaw ang dalawin nila?
At oo nga pala, hindi dead spot ang sementeryo!